Maginaw Ang Gabi
Maikling Kuwento ni Jaime M. Agpalo, Jr.
“MAGHINTAY ka raw sa Burnham Park, sa may Rose Garden,” sabi ni Lovelyn. Si Jenny na aking kasintaan ang tinutukoy.
Sinadya ako nitong best friend ni Jenny sa puwesto ni Manang Ada – tindahan ng mga prutas at gulay sa Brgy. Engineer’s Hill Satellite Market.
“Bakit kaya napakahigpit ang mga magulang niya sa akin?” Usisa ko kay Lovelyn. “Dahil mahirap lang ang buhay namin?”
“Wala akong masabi d’yan. Malalaman mo ang kasagutan kapag nagkita kayo.” At bumuntot ang aking paningin sa nagmamadaling si Lovelyn papuntang kinaroroonan nang kanyang kapatid na babae na naghihintay at kanina pa kumakaway. Nasa harapan ito ng staff house ng Department of Trade and Industries. At nagpa-hilaga na sila papuntang Cabinet Hill.
Taga Barangay Cabinet Hill-Teachers Camp, Baguio City sina Jenny at Lovelyn. Suki namin sila ng gulay. Tumutulong akong magtinda sa puwesto ng Ate Ada ko sa Engineer’s Hill Satellite Market lalo kung pinapahinga ko ang aking kaisipan dahil sa pagsusulat ng mga iskrip nang mga drama sa radio at mga patalastas nito. Limang taon na akong writer ng Mt. Province Broadcasting Corporation-DZWT na pinagkukunan ko naman nang pantustos nang aking pag-aaral ng Journalism sa Baguio Colleges Foundation at ako ay katatapos lamang.
Dito rin sa puwesto ni Manang Ada ko nakilala sina Jenny at Lovelyn. Dito rin nagsimula ang panliligaw ko kay Jenny. Mag-aanim na buwan na ang relasyon namin. Ngunit tatlong beses pa lang akong namasyal sa apartment na inuupahan nila. Napansin ko kasi na malamig ang pakitutungo nang mga magulang niya at ang kapatid na babae na si Manang Joyce. Ang pinakahuling pagpunta ko sa kanila, nakarinig na ako nang mga kalabog nang pintuan at mga mabibigat na paghakbang. Kaya sa labas na lamang madalas ang aming pagkikita.
Humantong ang punto na isang buwan na kaming hindi nagkikita ni Jenny. Naguguluhan na ako. Wala naman silang telepono. Ewan ko rin, na parang iniiwasan ako ni Lovelyn para matanong ko sana. Talagang papasyalan ko si Jenny sa apartment nila kung hindi dumating si Lovelyn…
NAKASINDI na ang mga dilaw na ilaw ng parke. Binalot nang manipis na fog ang kapaligiran kaya nanunuot sa kalamnan ang ginaw. Tahimik ang mga ilan pareha sa may parihabang flower pot ng mga rosas. Wala nang naglalaro sa may damuhan. Tahimik na ang boating at bicycle area. Napakabango ang halimuyak ng mga rosas sa paligid. At nakikita ko naman sa bandang kanan ko ang paghalik ng babae sa isang pulang rosas na pinitas nang kasamang lalake. Alas sais medya na, ngunit wala pa si Jenny. Dito sa hilagang bahagi ng Rose Garden madalas kami ni Jenny.
Mula sa pathway, nakikita kong dumarating si Jenny, nakayuko at parang nagmamadali. Sinalubong ko siya. Napansin kong malungkot siya. Malungkot na malungkot. Parang pinipigilan ang pag-iyak. Hindi ako umimik.
“May hihilingin sana ako sa ‘yo, James, kung talagang mahal mo ako,” sabing gumaralgal ang boses.
“Lahat ng hihilingin mo ay ibibigay ko…” Iba na ang nagpaparamdam sa akin, ayon sa aking pagkaba.
“K-kalimutan mo na ako please…”
Napanganga ako.
“Basta kalimutan mo na ako…” Umiyak na.
“Pero, bakit? Meron ba akong kasalanan?”
“Wala, wala!” Mas lalo ang pag-iyak. “Basta kalimutan mo na ako!” Tumakbo na palayo. Mabilis. Dumaan na sa may damuhan.
Tinawag ko. Ngunit talagang mabilis ang pagtakbo sa damuhan papunta sa may Burnham Lake Drive. Sumakay kaagad ng taxi.
Bakit? Anong kasalanan ko? Bakit ko siya kalilimutan?
“Tinanong mo sana, a,” sabi nang kaibigang kong si Rolly. Umiinum na kami ng serbesa. Gusto kong maglasing upang maalis ang sakit ang dulot nito. Tigwa-walong beer na kami. Medyo umi-ikot na ang paningin sa loob ng Juval’s Countryside Eatery sa may kanto papuntang Engineer’s Hill at Cabinet Hill. Makikita ang mga dumaraan sa labas dahil doon nagbababa nang mga paheros ang mga jeep sa may outpost sa kanto ng Leonard Wood sa kaliwa ng eatery. Ang kaliwa nang daang paakyat sa harapan ay papuntang Cabinet Hill at papuntang Engineer’s Hill naman ang pakanan.
Bago ko masagot si Rolly, namataan ko si Lovelyn na dumaraan. Lumabas ako at hinabol. Sinabi ko ang nangyari kanina sa Burnham Park.
“Hindi mo alam ang dahilan? Mag-aasawa na!”
Bumalik ako sa loob ng eatery ang nagpakalasing.
DALAWANG lingo na ang nakaraan. Inaayos ko ang mga pinamili kong paninda ni Manang Ada ngayon umaga. Dumating si Lovelyn. Bibili siya ng kamatis at tinapa. Noong magbayad na siya, may kasamang sulat. Sulat ni Jenny!
Sa sulat, nais ni Jenny na kami ay magkita sa Burnham Park pagkataos ng pananghalian at doon din sa dating tagpuan. Dumikit ang aking paningin sa kalendaryo sa bandang kaliwa ko, at minunimuni ang petsa: Marso 22, 1996.
Pasado ala una na nang hapon noong nagpunta ako sa parke. Naghihintay na si Jenny. Hindi na sana ako sisipot dahil masama ang loob ko. Ano pa nga ba ang katuturan nang aming pag-uusap?
“Nagkamali ako noong sabihin kong kalimutan mo na ako, James. Lalo’t di ko sinabi ang dahilan.”
“Alam ko na. Mag-aasawa ka na. Nakahanap ka na nang iba…!”
“Kamuhiaan mo ako?”
“Natural! Pinagtaksilan mo ako!”
“Gusto kong kamuhian mo ako. Ang alam ko kasi, mas mabilis kitang makalimutan kung kinasusuklaman mo ako. Hindi pala. Nagkamali ako. Mas lalong mahirap. Nahihirapan ako. Hindi lang ikaw ang nasasaktan, mas lalo pa ako.” Lumuluha na siya. “Ang mga magulang ko lang ang may gusto. Hindi ko gusto, James, ang pagpapakasal kay Tata Vincent.”
“T-tata … V-vincent? Ibig mong sabihin, sa matanda ka pakakasal?”
“Edad 60. Balo. May isang anak na babae at meron na rin pamilya. Balikbayan siya at matagal nang kaibigan ng papa ko.”
“Bakit mo gusto?”
“May sakit sa puso ang aking ina. Lalo’t sinasabing ikakamatay niya kung hindi ko sila pakikinggan ang kagustuhan nila. Pangarap din nila ang ikakaluwag nang aming buhay. At mangyari lang ‘yon kung ako’y pakasal kay Tata Vincent. Dahil may magandang kabuhayan sa Hawaii at doon na kaming manirahan pagkatapos nang aming kasal. Ilalakad din kaagad ang mga papeles ng aking mga magulang para sila ay sumunod sa amin.”
“Paano na ngayon…?”
“James, kung talagang mahal mo ako, kalimutan mo na ako, please…”
“Kung ang paglimot ay kagaya nang paglaglag nang batong hawak, kay dali sanang makalimot. Kung ang sugat ay mahapdi at makirot, matagal maghilom, at kung maghihilom man ay nasa isipan pa rin ang pangyayari.”
“Masakripisyo ang tunay na pag-ibig, James. Mahal na mahal kita. Ngunit mahal ko rin ang nagbigay sa akin ng buhay – ang aking mga magulang. Lalo na ang aking butihing ina. James, kung ikaw ay nasa aking kalagayan, hindi mo ba isasakripisyo ang ‘yong pag-ibig?”
Natameme ako sa sinabi. Paano ko ilalaban ang pag-ibig ko? Nakaramdam na ako nang panghihina. Lalaki ako, ngunit hindi ko nakayanan pigilan ang pagluha, malambot lang ang aking puso, sobrang napakalambot – na likas sa isang manunulat.
Niyakap ako. Mahigpit na mahigpit. Lumuluha rin nang magkasalubong ang aming mga mata. Naramdaman ko na lamang na hinahanap nang kanyang mga labi ang aking mga labi, at nang matagpuan ay doon ibinuhos ang tunay na damdamin. Ang nag-aapoy at maalab na damdamin ay parang wala nang kataposan. Matagal ang pagkakahinang ng aming mga bibig dahil pilit na dinaramdam ang aking pagsukli ng kanyang awit ng dibdib ngunit patuloy na wala akong kibo. Inalis ko ang kanyang yakap. Tumayo. Ibinulsa ang aking mga kamay at nakayukong binaybay ang damuhan…
MAHIRAP gamotin ang pusong nasugatan; mahirap libangin ang pusong nasaktan. Kahit anong gagawin, hindi ko malilimutan si Jenny.
“Huwag kang magmukmok d’yan baka ika’y masiraan nang bait!” Sabi ni Ate Ada noong napansin sigurong ako’y nagmumukmok sa aking silid at walang ginagawa. Kaya naisip kong mag-istambay sa watering hole ng mga manunulat, periodista at mga broadcaster ng Baguio City – ang Dainty Restaurant sa may panolokan ng Lower Session Road. Ngunit hindi ko natagpuan doon ang gamot ng sugatang puso.
“Tatlong araw na lang magpapakasal na sila sa St Joseph Church sa Pacdal,” ibinulong ni Lovelyn noong ako ay tumutulong ulit sa tindahan ni Manang Ada.
Mas lalo akong nakaramdam nang kirot sa dibdib. Di ko alam ang aking gagawin. Parang walang laman ang aking isip. Simula noong ay hindi na ako nakapagsulat nang iskrip sa radio at mga patalastas. Kaya isinubmitar ko na lang ang aking resignation paper. Ngunit tinawanan lang ako ng manager at ang aking supervisor nang malaman ang dahilan. Pinagpayuhan nila ako. Upang ako’y makinig sa kanila, ipinangakong bibigyan nila ako nang tig-iisang slot sa AM radio program at isa sa FM radio. Magiging announcer ako at Disc Jockey.
NANGINGINIG ako sa makapal na fog na bumabalot sa kapaligiran noong takip-silim na ‘yon. Nasa harapan ako nang bahay at tumutungga ng Red Horse. Hindi ko na maaninag ang mga ilaw sa may Consit o Lower Engineer’s Hill at Cabinet Hill sa bandang hilaga at pati na rin ang mga kabahayan sa Brgy. Outlook Drive sa bandang silangan. Tinawag ako ni Jetee na aking pamangkin. May tawag daw ako sa telepono. Jenny raw ang pangalan.
“Hello?” Malamig na malamig ang pagkakabigkas.
“James, gusto kitang makausap. Ngayon din. Pumunta ka dito.”
“Saan?”
“Venny’s Inn. Room 69. Hinihintay kita.” Ibinababa na ang telepono.
Venny’s Inn? Anong ginagawa niya roon?
Tinawagan ko ang Venny’s Inn. Kinumpirma ng GRO na may pangalang Jenny Pestano na nakatsek-in sa room 69 at nag-iisa.
Nag-iisa? Ano ang ibig sabihin nito?
Isang bote pa nang Red Horse ang itinungga bago naisipan puntahan ko si Jenny.
Red carpet at wall to wall ang loob ng Venny’s Inn. Kumatok ako sa Room 69.
Nakangiti si Jenny nagpapasok sa akin. At napansin ko katatapos lang maligo! Sinusuklay ang basa pang buhok na pinanggagalingan nang halimuyak ng Selsun Blue at lalong naalis ang bisa ng Red Horse sa bango ng Lux na nanunuot sa aking ilong. Hindi ako makaimik. Pinagmasdan ang pulang tuwalyang bumabalot sa mala-coca colang katawan. Di ako mapakali. Umupo ako sa malambot na kama.
Tumabi si Jenny at nagpapasalamat at ako ay dumating. Hinawakan ang aking kanang kamay, nilalaro at idinampi ito sa kanyang mga pisngi. Nabato ako. Hindi ko alam ang aking gagawin. Yumakap. Hinalikan ako sa may puno ng taynga. Naramdaman ko ang mainit na hininga na para bang lumipat ang init sa aking katawan at dumadaloy sa aking mga ugat. Halik nang halik, nananabik.
“I love you, James, I love you very much…”
Nag-aalab na rin ang aking katawan. Nakarating na sa aking pisngi ang halik niya, bumaba sa leeg, at nakasuksuok na ang mga kamay sa loob ng aking tisiert at nangangapa. Pipigilan ko sana, ngunit dumapo na ang mga bibig sa aking mga bibig. Nauuhaw ang kanyang halik. Nag-aalab. Parang gustong makipag-ispadahan ang dila sa aking dila. Nagsisimula na akong maagos sa kamunduhan. Heto na ang anyaya ng laman. Ngunit sa kanan bahagi ng aking utak, ay sumisigaw at nagbabala na hindi ko dapat isuko ang aking paninindigan at pananaw sa buhay. Tumayo ako.
“Bakit mo ako tinawag dito?”
“James, magpapakasal na ako kay Tata Vincent bukas. At ayaw kong ibigay sa unang pagkakataon ang aking pagkababae sa lalaking hindi ko minamahal.” Tumayo. “Ikaw ang dapat mauna dahil ikaw ang aking tunay na minamahal.”
Di ako makaimik. Nakipagtitigan ako. Di ko makayanan ang malagkit na titig. Nanunukso. Lumapit. At inilaglag ang tuwalyang pinangkumot sa katawan. Hindi ako nagkamali. Heto ang katawang na aking pinapantasiya. Parang bulaklak ng marapait na idinuduyan ng hangin sa maputing-maputing fog; hindi ako nagkamali, heto ang mayaman na dibdib kung nasaan ang kambal na rosas na pilit kong hinahawakan kung nanonod kami nang sine ngunit kalian man ay hindi ako nagtagumpay dahil maglalanding din ang mumunting kurot sa aking tagiliran; at sa aking pantasiya, ang alam ko ay mangitim-itim na kasing-laki nang hinlalaki ngunit nagkamali ako dahil kulay pink pala ‘’yon at kasinglaki lamang ng hinliliit; morena ang kutis ng mala-coca colang katawan; nakakaaya ang makinis na binti at… at… nag-aanyaya ang hubad na pintuan ng langit! Susme, ganyan pala ang mga ‘yan? May naramdaman akong nabuhay at nagpipilit na magdiwang.
Yumakap. Ang mukha ay ibinaon sa aking leeg. Humahalik. Napapikit ako. Mabilis ang pangyayari. Naramdaman ko na lamang na nahulog ang aking pulang tisiert. Naglalagablab na ang paghalik.
“James, ibigin mo ako, please. Iyong iyo ako…” At kinagat pa ang aking taynga.
Ngunit kalian man hindi masisira ang aking pagkatao, buo pa ang panindigan at pananaw sa buhay. Inalis ko ang pagkakayakap sa akin. Tinitigan. Maari rin siyang nahihiwagaan dahil ako’y lumuluha. Malakas ang pagtulo ng luha. Kinuha ko ang mga damit niya sa headboard.
“Magbihis ka na. Lalabas na tayo. Hindi ko gustong samantalahin ang ‘yong kahinaan.”
Yumugyog ang mga balikat, tinakpan ang mukha sa pamamagitang nang kanyang mga palad. Maaring di nakayanan ang sarili at dumapa sa kama na nag-iiyak.
Umupo rin ako. Lumuluha pa rin ako. Nakaramdam ko ang awa sa kanya. Awang-awa.
I love you very much, Jen, I love you… ngunit walang lumabas na kataga sa aking mga bibig. Oo, naintindihan ko ang kalagayan niya. Naintindihan ko rin ang tunay na pag-ibig ay nakakaunawa at hindi mapagsamantala. At lalong hindi ko sisirain ang aking panindigan at pananaw sa buhay kalian man – ang paggalang ko sa kababaihan – dahil ito lamang ang aking kayamanan, ito lamang. Mahirap lang ako, mas mahirap pa sa daga, ngunit nagsusumikap paunlarin ang buhay sa tamang landas.
Kaawaan ko siya. Dahil lalo siyang nasasaktan. Ngunit kailangan ibukas ko ang aking isipan at tanggapin ang katotohanan. Ang buhay, kung minsan ay dumarating ang malupit na tadhana. At alam ko rin, napakahalaga ang damdamin ng mga magulang, at iyan ay sobrang napakahina ko, hindi ko kayang saktan ang damdamin ng mga magulang – ang mga magulang niya. Hindi ko kayang saktan ang damdamin ng mga magulang sapagkat alam kong darating din ang araw na ako’y magiging magulang. May pagkakataong tumubo ang isang halaman ngunit hindi lumago sapagkat ang katayuan at kapaligiran ang sumusupil nito. Ang pag-unawa at pagpaparaya ay hindi pagtalikod nang sinumpahan kundi pagbibigay hakbang nang panibagong landas.
Niyakap ko siya nang maramdaman na mas lalo ang pag-iyak.
“Tama na, Jen, tama na please…” Isinandal ko ang ulo sa aking dibdib. “Hindi ko kayang kunin ang nag-iisa mong kayamanan – ang nag-iisa mong ipagmalaki sa magigiging asawa. Parehas lang tayong mahirap, ngunit buo ang panindigan at pananaw sa buhay. Hayaan mo ang kayamanan na iyan—ang kalinisan mo ang handog mo sa iyong kabiyak upang mas lalo ka pa niyang mamahalin. Mahalin mo rin sana siya tulad nang pagmamahal mo sa akin. Hangad ko ang ‘yong kasiyahan at katiwasayan ng buhay.” Kumalas ako sa pagkakayakap. “I love you, Jen, handa akong magsakripisyo…”
Pinulot ko ang aking tisiert at isinuot. Nakahiga na siya at umiiyak pa rin. Dahan-dahan akong lumabas. Isinara ang pintuan. Laglag ang ulo at nakabulsa ang mga kamay paglabas ko ng Venny’s Inn. Dahan-dahan ang pagbaybay ng Lower Session Road – naglalakad paakyat. Maginaw ang gabi. Sobrang maginaw. Makapal na makapal ang fog. Hindi ko rin makikita ang mga bituin sa kalangitan tulad nang hindi ko masisilayan ang kahihinatnan nang pangyayaring ito ng aking buhay. Ngunit hindi ako nawawalan ng pag-asa, dahil alam ko, kahit na madilim na madilim ngayon ang gabi, bukas magliliwanag din ang araw…@